29th September 2011

Post with 35 notes

Sa pamunuan ng PAL

Sana piliin mong tratuhin ng tama ang lahat ng mga empleyado mo. Alam kong kahit pinto ng A320 di mo alam kung paano isara, at kahit itaya pa natin ang buhay mo, hindi mo alam kung paano mag-reserve ng kahit isang upuan para sa iisang pasahero. 

Sigurado din akong ayaw mong ikaw mismo ang maglipat ng mga bagahe mula sa tarmac papasok ng cargo bay. Ewan ko kung marunong kang magpalipad ng eroplano, pero sigurado akong hindi mo kayang liparin ang 60 domestic at 45 international flights na sa ngayon ay kanselado.

Oo nga’t may naipalit ka sa kanila na pwedeng gumawa ng lahat ng ‘yan. Pero balita ko, kulang na lang ‘di marunong gumamit ng radyo ang mga taong ipinalit mo. Parang hindi nila alam na hindi kailangang magbayad ng terminal fee ang deadhead cabin crew, o na obligasyon nila ang kaayusan ng eroplano bago magsara ang mga pinto.

Hindi mo sila masisisi kung magalit sila sa’yo. Oo, sa’yo sila galit, hindi sa mga pasahero niyo. Hindi ang paggambala ng biyahe nila ang dahilan ng gulong ito, kung hindi ang maling trato mo sa kanila. Akalain mo ba namang ilang taon nang nagtatrabaho sa’yo, sisipain mo lang dahil sa kulang na tubo?

No’ng hindi lumilipad ang mga eroplano, wala ka na ngang kinita, maraming naabala, nagkagulo na, nasira na ang mga gamit niyo, naglipat ka pa ng opisina. Pero sa bawat take-off na nangyari na sila ang nakatoka, nakinabang ka ng sobra sobra. Nakikita mo ba kung gaano kalaki ang pangangailangan mo sa kanila?

Gumagalang,

Marco

PS. Sabi mo, “non-core” ang services na tinanggal mo sa paraan ng retrenchment. Ibig sabihin, hindi ito ang pinakamahalagang serbisyo mo sa mga kliyente mo. Pero kung gano’n nga, bakit ka naparalisa nung tumigil sila sa pagtatrabaho?

Tagged: Philippine AirlinesLabor

  1. tearstopper posted this